MUKHANG hindi maganda ang hudyat ng kampanya ng barangay elections sa ating bansa. Ayon sa Philippine National Police (PNP) 21 na ang namatay sa 16 na mga insidente na maaaring kaugnay sa eleksiyon ng barangay at Sangguniang Kabataan. Wow!
Kaya minsan ako ay napapaisip kung ano ang mayroon sa pagiging opisyal ng barangay o Sangguniang Kabataan (SK) upang umabot sa patayan. Noong Sabado na lang, ang isa sa mga staff ni ARMM Gov. Mujiv Hataman na ang mga kamag-anak ay tumatakbong kagawad sa Maguindanao ay tinambangan.
Siya ay si Betsy Yap. Nagtatrabaho kay Gov. Hataman bilang humanitarian emergency assistance and response team. Minalas siya at namatay nang tambangan ang kanilang sasakyan. Kasama niya ang kanyang ina na kagawad ng bayan ng South Upi, Maguindanao. 27 years old lamang si Betsy. Ayon kay Gov. Hataman, malamang ang target nga ay ang mga kagawad na tumatakbo bilang mga re-electionist.
Ito ang mga unang hamon kay PNP chief Director General Oscar Albayalde bilang bagong pinuno ng nasabing ahensiya. Ipinag-utos niya na mas paigtingin ang seguridad sa mga election hotspots at sa mga iba pang barangay na maaaring maging mainit ang labanan upang makaiwas sa karagdagang election violence.
Noong isang linggo, nagpalabas ang DILG at ang PDEA ng listahan ng lahat ng mga opisyal ng barangay na sangkot sa iligal na droga.
Magandang hakbangin ito. Maganda na rin na nalalaman ng mga botante ang mga kumakandidato sa kanilang barangay. Isipin ninyo kung ang mga opisyal ng barangay at SK ng ating barangay ay gumagamit o nagbebenta ng droga, talagang hindi mawawala ang krimen sa nasabing lugar.
Ang ibang mga kumakandidato naman ay samu’t sari ang mga gimik sa kanilang kampanya sa hangarin na makakakuha sila ng dagdag boto sa kanilang barangay. Mayroon kayong makikita na campaign posters na ginamit ang sikat na pelikula tungkol sa superheroes ng “Avengers: Infinity War”. Makikita mo ang pulutong ng kumakandidatong barangay kapitan kasama ang kanyang mga kagawad ay nagmistulang miyembro ng Avengers.
Mayroon din mga iba riyan na gagamitin ang mga lumang litrato na nakasama nila ang mga kasalukuyang opisyal ng gobyerno o politiko at ginagamit nila sa kanilang campaign poster. Parang ipinapalabas nila na ‘close’ sila sa mga opisyal o politiko na ito at tutulungan sila kapag sila ay ibinoto bilang opisyal ng kanilang barangay. Haaaaay.
Sabi nga ni COMELEC executive director na si James Jimenez na hindi bobo ang mga botante at makukuha sa mga ganitong mabababaw ng gimik. Nagbigay babala rin ang COMELEC tungkol sa dapat na gastusin ng mga tumatakbo sa halalan. Limang piso lamang ang maaaring gastusin kada botante. Kaya, suriin ninyong mabuti sa estilo ng kanilang pangangampanya, masusukat mo kung sumusobra sila sa gastusin. At kung bongga ang gastos nila…saan nila ito babawiin? Kung ang mga kumakandidato ay handang pumatay ng kanyang katunggali sa halalan, ano nga ba ang mayroon sa kaban ng barangay? Tsk tsk tsk.
Isang linggo na lang at matatapos na ang kampanya na ito. Sampol pa lang ito. Ang hintayin natin ay ang mas matinding mid-term election sa susunod na taon para sa senador, kongresman at mga lokal ng opisyal. Sana naman ay hindi madugo ito.
Comments are closed.