MAG-AAMA NALUNOD SA DALAMPASIGAN

PALAWAN- PATAY ang isang ama at dalawang anak nito matapos na malunod ang mga ito habang lumalangoy sa gitna ng dagat na sakop ng Sitio Luyo, Barangay Casian, Taytay sa lalawigang ito nitong Martes ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Alvin Latube, 38-anyos at ang dalawa nitong binatilyong anak na sina Feith Alvin, 8-anyos at Amiel , 6-anyos.

Sa pahayag ni Rosemarie Latube, kapatid ni Alvin, nagpunta ang mag-aama sa laot sakay ng bangka para maglagay ng lambat na panghuli ng isda.

Sinabi pa ni Rosemarie na iniiwan daw ng kaniyang kapatid ang sinasakyan nitong bangka sa tabi ng lambat sa tuwing ito’y pumapalaot at nilalangoy nito ang pampang.

Sa masusing imbestigasyon ng Taytay police, napag-alaman na matapos maitali sa lambat ng mag-aama ang bangka ay nagpasiya ang tatlo na languyin na lang nila pabalik papuntang dalampasigan.

Habang lumalangoy ang tatlo pabalik sa dalampasigan, inabot umano ang mga ito ng sama ng panahon sa gitna ng dagat at nawala na lang umano ang mag aama sa ilalim ng naglalakihang alon.

Natagpuan ng mga rescuer ang bangkay ng mag- aama sa tabi ng dalampasigan.

Agad naman tumulong ang lokal na pamahalaan ng Taytay sa pamilya ng mga biktima. ARMAN CAMBE