MAG-AARAL SA KOLEHIYO GAWING TUTOR (Para sa remedial program)

SA pagpapatupad ng learning recovery program na tutugon sa learning loss o pag-urong ng kaalaman sa gitna ng pandemya ng COVID-19, iminumungkahi ni Senador Win Gatchalian na gawing tutor ang mga mag–aaral sa kolehiyo.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2355 o ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act na inihain ni Gatchalian noong nakaraang taon, maaaring magboluntaryo bilang mga tutor ang mga mag-aaral sa kolehiyo.

Ituturing na pagkumpleto nila ng Literacy Training Service sa ilalim ng National Service Training Program (NSTP) ang pagboluntaryo bilang tutor sa panukalang ARAL Program. Maliban sa grade requirement, kailangang makapasa ang mga naturang mag-aaral sa isang mock tutoring session na isasagawa ng Department of Education (DepEd). Ang mga guro at para-teachers ay maaari ring magsilbing tutor sa panukalang ARAL Program.

Ipinanukala ni Gatchalian ang pagkakaroon ng ARAL Program upang magbigay ng learning intervention dahil sa kawalan ng face-to-face classes. Bahagi ng naturang programa ang mga tutorial sessions.

Bibigyang prayoridad sa programang ito ang most essential learning competencies sa Language at Mathematics para sa Grade 1 hanggang Grade 10, at Science para sa mga Grade 3 hanggang Grade 10.

Para sa mga mag-aaral sa Kindergarten, numeracy at literacy skills naman ang bibigyang pansin.

Ang mga mag-aaral na nahihirapan sa Language, Mathematics, at Science ang bibigyang prayoridad ng panukalang ARAL Program. Nais ding tulungan ng programa ang mga mag-aaral na hindi nag-enroll noong School Year (2020-2021) upang hikayatin din silang bumalik sa paaralan.

“Sa pagbangon ng sektor ng edukasyon, higit nating kinakailangan ang tulong ng ating mga komunidad, kabilang ang mga mag-aaral sa kolehiyo. Dahil sa lawak ng naging epekto ng pandemya sa sektor ng edukasyon, dapat palawigin ang ating mga pagsisikap upang maabot ang mas maraming mga mag-aaral,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Matapos ang mahigit isang taong hindi pagpasok ng mga mag-aaral sa kanilang mga paaralan, isinagawa ang pilot implementation ng limited face-to-face classes noong Nobyembre 2021. Sinimulan ang pilot run sa Metro Manila noong nakaraang Disyembre. Ngunit muling sinuspinde ang face-to-face classes sa mga lugar na ibinalik sa Alert Level 3 dahil sa muling paglobo ng mga kaso ng COVID-19.

Samantala, inanunsiyo kamakailan ng DepEd na magpapatupad ito ng programa para sa learning recovery dahil sa kawalan ng face-to-face classes sa gitna ng pandemya. VICKY CERVALES