PANGASINAN-PATAY ang driver ng tricycle, anak at isa pang pasahero nang salpukin sila ng isang kotse sa national highway ng Barangay Linmansangan, Binalonan sa lalawigang ito kamakalawa ng umaga.
Sa blotter ng PNP Binalonan, umagaw ng linya sa kalsada ang kotse kaya bumangga ito sa tricycle na sinasakyan ng mga biktima na papunta sana sa palengke.
Sa lakas ng pagkabangga, tumilapon ang mga sakay ng tricycle na ikinasawi ng drayber na si Jimmy Basaen at anak na si Jimmark at kaibigan na umarkila sa tricycle na si Adelaida Dacuag.
Yuping-yupi ang tricycle at wasak naman ang harapan ng kotse.
Lumalabas na mabilis ang takbo ng kotse kaya nawalan ng kontrol ang drayber.
Kinasuhan na ng reckless imprudence resulting in multiple homicide ang driver ng kotse na kinilalang si alyas DJ, 19-anyos. EUNICE CELARIO