CEBU CITY- AGAW buhay ang isang 70 anyos na lalaki matapos na pagtatagain ng kanyang anak makaraang utusan na anihin ang tanim nilang sibuyas na naganap sa lalawigang ito.
Sa report ng pulisya ang biktima ay nakilalang si Jose Hontiveros at nakatira sa bayan ng Dalaguete, sa nabanggit na lungsod.
Habang ang suspek naman ay nakilalang si Jennifer Hontiveros, anak ng biktima at nakatira sa nasabing lugar.
Ayon sa pahayag ni Major Clemente Ceralde Jr. officer in Charge ng Dalaguete Police Station, nag-ugat ang nasabing insidente matapos na utusan ng biktima ang suspek na anihin ang kanilang pananim na sibuyas, subalit tumanggi ang suspek kung kayat nauwi sa mainitang pagtatalo sa pagitan ng mag-ama.
Nabatid din na ilang ulit din sinabihan ng biktima na inumin ng suspek ang kanyang gamot.
Nagulat na lamang ang biktima nang bigla siyang pinagtataga ng suspek kung saan ay nagtamo ng malalang sugat sa mukha at iba’t ibang parte ng katawan ang biktima na hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na ino-obserbahan sa pagamutan.
Agad namang nagsagawa ng follow up operation ang mga otoridad na nagresulta sa agarang pagkaka-aresto sa naturang suspek.
EVELYN GARCIA