NEGROS OCCIDENTAL–ISINAMA sa kamatayan ng isang 24- anyos na lalaki na hinihinalang may diperensiya sa pag-iisip ang kanyang 4 na taong gulang na anak matapos na silaban ang kanilang bahay para magpakamatay kamakalawa ng hapon sa Bago City ng nasabing lalawigan.
Sa ulat ng Bago City police Office, magkayakap pa ng matagpuan ng mga arson investigator ang mag-ama sa natupok nilang bahay.
Kinilala ni P/Maj JOHN Batusbatusan, hepe ng Bago City PNP ang mga biktima na sina Rolin Alpar at anak na si John Gabriel na naninirahan sa Purok Tuburan, Barangay Bacong, Bago City.
Lumilitaw sa pagsisiyasat, sinadyang sunugin ni Alpar ang kanilang bahay dahil plano na nitong magpakamatay at nadamay lamang ang kanyang anak.
Sinasabing, pinalabas ni Alpar sa kanilang bahay ang kanyang anak ngunit nang makita ng bata na nasa loob pa ito ng nasusunog na bahay ay binalikan ang kanyang ama.
Hinihinalang depresyon ang posibleng motibo ng biktima sa ginawang pagpapatiwakal dahil may iniwan din itong suicide video sa kanilang kapitbahay para umano sa kanyang asawa na nagtatrabaho bilang domestic helper sa Saudi Arabia. VERLIN RUIZ
Comments are closed.