BULACAN- HALOS matusta ang mag- ama sa naganap na sunog sa Plaridel- Pulilan Diversion road, Brgy. Sto. Cristo sa bayan ng Pulilan sa lalawigang ito.
Sa report na nakarating sa tanggapan ni PNP Provincial Director Col.Relly Arnedo, kinilala ang mga nasawi na sina Jeffrey Mijaro Y Sapinoso, 33-anyos at anak na 5-anyos na si Princess.
Base sa paunang imbestigasyon ni SSg.Marcelo Pardo, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang senglot na ama at ang asawang si Sharlene Mijaro, 40- anyos kung saan pinipilit ng asawa nito na kunin ang kanilang anak na babae.
Subalit, hindi pumayag ang ina nang bata dahil dito dali-daling umalis ang ama at ilang minuto pa ang lumipas bumalik ito na may dalang isang galon ng gasolina at agad na binuhusan ang paligid ng kanilang bahay.
Ganap na alas-9:50 ng gabi nang sumiklab ang sunog sa tahanan ng mga biktima.
Nabatid na pilit pinasok at kinuha ng lasing na ama ang kanyang anak subalit hindi na rin ito nakalabas ng bahay na naging sanhi ng malagim nilang kamatayan.
At masuwerte naman na nakaligtas ang ina ng bata.
Gayunpaman agad na humingi ng tulong ang ina ng bata, subalit huli na ang lahat dahil mag-aalas-11:15 na nang gabi nang makaresponde sa lugar ang truck ng bumbero. THONY ARCENAL