NASAKOTE ang mag-ama nang makumpiskahan ng kahon-kahong bala ng baril at pampasabog na idineliber sa kanilang tahanan sa Quezon City nitong Martes ng gabi.
Ang mga mag-amang suspek ay nakilalang sina Julius Banson Lincuna, 50-anyos, jobless at Bejay Abet Lincuna, 23-anyos, construction worker na residente ng No 16 Presidential St., Sitio 4, kaliwa, Brgy. Batasan Hills, Quezon City.
Sa report ng Batasan Police Station (PS 6) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas- 9:50 ng gabi nang arestuhin ang mga suspek sa Presidential Road, Sitio 4 Kaliwa, Brgy. Batasan Hills sa nasabing lungsod.
Ayon kay PMSg Jonathan Lugo ng PS 6, nakatanggap umano sila ng intelligence report mula sa Regional Intelligence Department ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) na may idedeliber na mga bala at mga pampasabog na nakasilid sa limang bayong at cartoon chicken carrier sa tahanan ng mga suspek.
Matapos na matanggap ang report, agad na nagkasa ng operasyon at pumosisyon na ang pinagsanib na puwersa ng mga operatiba ng RID, NCRPO, DID, QCPD at AFP-ISAF sa nasabing lugar.
Habang nakaposisyon na sa lugar ang mga operatiba ay naispatan nila ang suspek na si Bejay at ama niyang si Julius na kapwa walang suot na facemask at bitbit ang limang bayong at cartoon chicken carrier.
Agad na sinita ng mga pulis ang mag-amang Lincuna at siniyasat ang mga dalang bayong at karton ng chicken carrier ng mga ito.
Doon ay nakita ng mga pulis ang buhay na rooster sa bawat bayong na may mga kasamang kahon na magkakasama sa cartoon chicken carrier at nang kanilang buksan ay bumungad sa kanila ang maraming mga bala at pampasabog kaya agad na inaresto ang mag-ama.
Nasamsam sa mga suspek ang limang bayong, isang cartoon chicken carrier, 1,500 rounds ng 7.62 Ammunitions na nakasilid sa 75 kahon, apat piraso ng pentex booster explosives at limang buhay na roosters.
Ang mga suspek ay kakasuhan ng paglabag sa RA 9516 as Amended of PD1866 (Codifying the Laws of Illegal/Unlawful Possession, Manufacture, Dealing in, Acquisition or Disposition of Firearms, Ammunitions or Explosives and Imposing Stiffer Penalties), at RA 10591 (Comprehensive Law of Firearms and Ammunitions) and Omnibus Election Code. EVELYN GARCIA