QUEZON- HINDI rin nakaligtas kahit pa nasa loob ng bahay ang mag-ama makaraang tamaan ng kidlat sa Barangay Tagbacan Ilaya, Catanauan sa lalawigang ito nitong Biyernes ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Jomar Funtilar, 37-anyos, isang magsasaka at ang 9-anyos nitong anak na si Jona Funtilar.
Ayon kay SSgt. Michael Adao, imbestigador ng Catanauan police station, malakas umano ang buhos ng ulan noong hapon ng Biyernes kung kaya’t minabuti ng mga biktima na pumasok sa loob ng kanilang bahay.
Base sa pahayag ng anak na bunso ni Jomar, naghahanda umano ng lulutuing kakanin ang kanilang ama nang biglang kumidlat ng malakas na tumama sa sawaling dingding ng kanilang bahay.
Ayon sa bata, nagtago umano siya sa loob ng silid at naiwan sa kusina ang mga biktima.
Makaraan ang ilang saglit nakita na lang umano ng bata ang kanyang ama at kapatid na nakabulagta sa sahig na puno ng sugat at paso sa ilang parte ng katawan.
Sinabi naman ni Ginilyn Funtilar, asawa ni Jomar na wala siya sa kanilang bahay nang maganap ang insidente. ARMAN CAMBE