CAMARINES SUR – PATAY ang mag-ama matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa bayan ng Lupi sa lalawigang ito kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng pulisya, sinabi ng Lupi police kasalukuyang nanonood ng telebisyon sa loob ng kanilang canteen ang biktimang si Desederio Longabela, 65-anyos nang lapitan ng dalawang armadong lalaki at pinagbabaril ng ilang beses sa Barangay Colacling bandang alas-6:10 ng gabi.
Matapos marinig ang putok ng baril, agad na lumabas ang kanyang anak na si Bobby, 38-anyos upang tingnan ang kanyang ama subalit pinagbabaril din ito ng maraming beses ng mga suspek.
Ang mag-amang biktima ay nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na siyang naging dahilan ng agarang pagkamatay ng mga ito.
Sa inisyal na ulat, nabatid na si Bobby ay dating umanong miyembro ng Civilian Armed Force Geographical Unit (CAFGU).
Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang tukuyin kung ano ang tunay na motibo sa naturang pamamaslang at alamin ang posibleng pagkakakilanlan sa naturang mga suspek.
EVELYN GARCIA