NASAKOTE ng pinagsanib na puwersa ng Navotas police at Masbate Provincial Police Office ang mag-ama na kabilang sa Top 5 at Top 6 Most Wanted Person ng Northern Police District (NPD) makaraang matunton sa kanilang lugar sa lalawigan ng Masbate.
Kinilala ni NPD Director BGen. Ponce Rogelio Penones, Jr. ang nadakip na si Judy Arizala, 68-anyos at ang anak niyang si Reynan, alyas “Kaka”, 31-,anyos, kapuwa residente ng Claveria, Mababang Baybay, Masbate City na mahigit apat na taon din nagtago sa batas.
Ayon kay Navotas police chief Col. Allan Umipig, nakatanggap sila ng impormasyon sa kinaroronan ng mag-amang Arizala na matagal ng tinutugis ng batas kaya’t siya ng team mula sa Intelligence Section na pinamunuan ni Capt. Luis Rufo, Jr at Warrant and Subpoena Section na pinangunahan ni CMSgt. Ronnie Garan na tutungo sa lalawigan upang dakpin ang mag-ama.
Pagdating ng team sa Masbate, nakipag-ugnayan sila kay Maj. Joenel Moratalla, hepe ng Claveria Police Station, pati na kay Capt. Jose Franco Silo, Jr. ng Regional Intelligence Unit ng Sorsogon, Bicol Region upang maging maayos ang pagsisilbi ng warrant of arrest laban sa mag-amang Arizala sa kanilang tirahan sa Claveria.
Dakong alas-7 ng gabi nang isilbi ng mga pulis sa mga akusado ang warrant of arrest na inilabas ni Presiding Judge Ronaldo Q. Torrijos ng Navotas City Regional Trial Court (RTC) Branch 288 noon pang Hulyo 15, 2019 para sa kasong Murder na walang kaukulang piyansa para sa pansamantala nilang paglaya.
Maayos namang naisilbi ang arrest warrant laban sa mag-ama na kaagad ding ibiniyahe pabalik ng Navotas City at ngayon ay pansamantalang nakapiit sa Custodial Facility ng Navotas Police Station habang hinihintay ang commitment order ng hukuman para sa paglilipat sa kanila sa Navotas City Jail.
VICK TANES