SAN JUAN CITY – MAGKASUNOD na nagsumite ng certificate of candidacy (COC) ang mag-amang Cong. Ronny at dating Vice Mayor Francis Zamora para tumakbo sa May 2019 elections.
Sa panayam ng PILIPINO Mirror sa matandang Zamora, sinabi nito na kaniyang itutuloy ang magandang ginawa para sa lungsod gaya ng pagsasaayos ng komunidad gaya ng kanilang drainage system at ang bawat barangay.
Aniya, ang pagsasaayos ng lungsod ay hindi na sila nangungutang upang hindi na pagbayarin pa ang mga taxpayer ng San Juan, sa halip ang kanilang pondo ay nagmumula sa national government.
Sa ngayon, sinabi ni Zamora na dating Executive Secretary ni dating Pangulong Joseph Estrada, na tututukan naman nila ang public housing upang matiyak na may mga tahanan ang mahihirap na San Juaneño.
Samantala, sa panig naman ni dating San Juan City Vice Mayor Francis Zamora, nagpahayag ito na nais niyang matulungan ang kanyang mga kababayan para maayos na pamamahala.
Hindi, aniya, niya bibiguin ang mga naging kasama niya na 30,000 San Juaneño na lumagda sa petisyon para sa recall election laban sa kasalukuyang alkalde na si Mayor Guia Gomez.
Sinabi pa ng dating bise alkalde na mistulang inubos ang panahon nila at gumawa ng mga balakid upang hindi matuloy ang recall election sa kanilang lungsod.
Ang 2019 elections aniya ang magpapabago ng lahat dahil titiyakin niyang nananatiling tapat siya gayundin ang kanyang mga supporter.
Nanindigan din ang nakababatang Zamora na sasamahan niya ang kaniyang ama para wakasan ang 49 taong paghaharian ng Estrada sa lungsod na nagsimula noon pang 1969 dahil mismong ang ang mga taga-San Juan ang nagnanais ng pagbabago.
Muli rin nitong tiniyak na siya at ang kanyang ama ay hindi nasangkot sa anumang katiwalian.
“After 49 years of Estrada rule in our city, the people of San Juan are now clamoring for change,” at sakaling maluklok bilang mayor ay maninilbihan siya nang may karapatan, integridad at accountability, matapos maglingkod nang tatlong taon bilang konsehal at anim na taon bilang vice mayor, sabi niyang handa siya para sa responsibilidad bilang alkalde ng San Juan.
“My performance during my 9 years as a public servant and my unblemish public record are what I offer to the people of San Juan. My father, Cong. Ronny Zamora and I have kept our names clean during our long years in public service. We have never been involved in any issue of corruption,” ayon pa sa dating bise alkalde na si Francis.
Ang mag-amang Zamora ay tatakbo sa ilalim ng PDP-LABAN political party. EUNICE C.