MAG-ASAWA, ANAK NADALE SA LANDSLIDE

Landslide

DAVAO OCCIDENTAL – Masaklap na kinabukasan ang sinapit ng mag-asawa at anak na lalaki makaraang matabunan ng landslide sa labas ng kanilang bahay sa Barangay Nuing,  bayan ng Jose Abad Santos ka­makalawa ng gabi.

Kinilala ng mga awtoridad ang mag-asawang sina Efrencio Serna Sr., 53; Mateya Serna, 53; at anak na si Efrencio Serna Jr., 23, pawang nani­nirahan sa Purok Mangga sa nabanggit na barangay.

Base sa ulat, lumilitaw na lumabas ng bahay ang mga biktima para bumili ng panghapunan sa kalapit na tindahan subalit habang papauwi ay biglang lumakas ang ulan kung saan kasabay nito ang pagguho ng malalaking tipak ng bato at lupa mula sa itaas ng kabundukan.

Sinasabing nagmamadaling naglalakad ang mga biktima habang  binaybay ang gilid ng ilog subalit sinalubong sila ng landslide kung saan magkakasabay na nailibing nang buhay.

Kinaumagahan ay narekober ng mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and  Management Team ang bangkay ng mga biktima habang nagpaabot naman ng tulong pinansiyal ang lokal na pamahalaan sa pamilyang naiwan ng mga biktima. MHAR BASCO