MAG-ASAWA ARESTADO SA VOTE-BUYING

CAVITE – KULUNGAN ang binagsakan ng mag-asawa na naaktuhan sa kanilang modus ope­randi na vote-buying sa bahagi ng Brgy. Halang sa bayan ng Naic sa lalawigang ito nitong Linggo ng hapon.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Omnibus Election Code o BP881 Sec. 261 ang mga akusadong sina Noelito Perlas y Mojica, 48-anyos, driver; at Remedios Tubal y Sierra, 58-anyos, kapwa nakatira sa nabanggit na barangay.

Sa police report ni Lt.Col. Resty Soriano na isinumute sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, lumilitaw na nakatanggap ng reklamo ang himpilan ng Naic Police Station mula sa ilang concerned citizen kaugnay sa ginagawang vote-buying ng mag-asawa.

Gayunpaman, kaagad na rumesponde ang ilang Naic PNP upang beripikahin ang reklamo kung saan naaktuhan ang dalawa na namimigay ng puting sobre na naglalaman ng P500 sa mga residente para iboto ang kanilang kandidato sa nasabing bayan.

Kaagad na dinampot ng pulisya ang mag-asawa kung saan nasamsam ang 50 pirasong puting sobre na may kabuuang halaga na P25, 000, mga election paraphernalia at iba pang bagay na may kaugnayan sa national at local elections.

Ayon sa imbestigador na si SSg. Richard Atienza, tumanggi naman ang dalawa sa nasabing akusasyon kung saan isinailalim sa tactical interrogation habang pinag-aaralan na ni Atty. James Recio ng Naic Election Officer ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga suspek. MHAR BASCO