GENERAL SANTOS CITY – KULUNGAN ang binagsakan ng isang manikurista at mister nito matapos masamsaman ng higit sa P3 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad kahapon ng madaling-araw sa lalawigang ito.
Batay sa report ng mga awtoridad, ang mag-asawang suspek na kasalukuyang nakakulong sa lock-up cell ng Police Station 1 ay kinilalang sina alyas Dodong Sano, 46-anyos at Rose, 19-anyos, kapwa residente ng Purok Fatima, Brgy. Dadiangas West, General Santos City.
Sa pinagsamang operasyon ng RPDEU 12, PDEG-SOU12, RSOG 12, RID 12 at PS1, GSCPO, bandang ala-1:08 nitong Sabado ng madaling araw nang madakip ang mga suspek sa Purok Silway Fatima, Barangay Dadiangas West, General Santos City.
Sinabi ng pulisya na ang mga suspek ay tinagurian high value at street level individual ay nakumpiskahan ng 516 gramo ng shabu at tinatayang nagkakahalaga ng P3,502,000.
Nakuha din sa mga suspek ang buy-bust money na P5,000.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 9165 O Comprehensive Dangerous Drug Act 2002 ang mga suspek.
EVELYN GARCIA