BUTUAN CITY- DEAD on arrival sa pagamutan ang mag asawa na dadalo lamang sa ipinatawag na hearing ng tambangan ng mga hindi pa nakikilalang riding in tandem sa lalawigang ito.
Sa ulat ng Butuan City Police Office, nasawi sa pamamaril ang mag-asawa sa loob ng kanilang sasakyan.
Lumilitaw sa inisyal na pagsisiyasat na dadalo sana ang mga biktima sa isang hearing sa barangay hall subalit ipinagpaliban ang pagdinig.
Kaya nagpasya ang mag-asawa na umuwi na lamang at habang binabaybay ang daan pabalik ay dinikitan sila ng mga hindi pa nakikilalang salarin lulan ng motorsiklo.
Pagsapit sa Purok 5B sa Barangay Amparo ay saka pinagbabaril ng mga suspek ang mag asawa.
Nagawa pang itakbo sa pagamutan ng mga rumesponde ang dalawa subalit kapwa idineklarang patay na ang mga ito nang idating.
Sinisilip ng mga imbestigador ang land dispute na isa sa pangunahing posibleng motibo sa krimen.
“Pineprepare na yung documents para sa filing ng kaso,” pahayag ni Butuan City Police Office Chief PIO, Lt. Crispolo Alburo kasunod ng pahayag na may mga person of interest na silang tinututukan. VERLIN RUIZ