BATANGAS-DEAD on the spot ang mag-asawa nang salpukin ang sinasakyan nilang tricycle ng isang ambulansiya sa Balayan sa lalawigang ito nitong Martes ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Crispin Comia, driver ng tricycle at ang asawang si Gabina.
Ayon kay Major Domingo Ballesteros, hepe ng Balayan police station, naganap ang traheya habang patungo umano ang ambulansiya sa ospital para magdala ng maysakit.
Mabilis umano ang takbo ng ambulansiya na nagpumilit mag-overtake sa isang truck kung kaya’t nakain nito ang linya ng kasalubong na tricycle at doon na naganap ang salpukan.
Sa lakas ng banggaan, nawasak ang tricycle at maging ang harapan ng ambulansiya ay durog din.
Bukod sa nasawing mag- asawa nadamay din ang isang rider ng motor na isinugod din sa ospital.
Nasa kustodiya na ng Balayan police ang driver ng ambulansiya na nakilalang si Domingo de Leon na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to double homicide, slight physical.injuries and damage to property. ARMAN CAMBE