MAG-ASAWANG HVI, 4 PA TIMBOG SA POT SESSION

PANGASINAN- PATONG-patong na kaso ang kakaharapin ng anim katao kabilang na ang mag-asawa na nasakote sa ikinasang search warrant ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa lungsod ng Dagupan.

Ayon sa pahayag ni Mariepe de Guzman, Public Information Officer (PIO) ng PDEA, sinabi nito na naabutan nila ang mga suspek sa gitna ng isang session sa loob ng isang tirahan na nagsisilbing drug den ng kinilalang maintainer na si Diane Soriano at asawa nito na si Alfredo Soriano dakong alas-4:05 ng madaling araw.

Maliban sa mag-asawa ay naaresto rin ang apat pa nilang mga kasamahan na kinilalang sina Erikson Ragua, Ragidek Velasquez, John Lester Soriano, at Michael Sta. Maria.

Nakumpiska sa mga suspek ang 15 heat-sealed, transparent, plastic sachet na naglalaman ng shabu na may kabuuang timbang ng 14 gramo at cash na P95,200 at sling bags, pouch at lapis kung saan naman nakasilid ang iba pang mga drug paraphernalia.

Sabi ni de Guzman, nakarating sa kanilang kaalaman ang naturang drug activity ng mga suspek sa pamamagitan ng kanilang confidential informant.

Kaya’t nagsagawa na sila ng surveillance sa lugar at mga sangkot na indibidwal at nang magpositibo ay dito na ikinasa ang operasyon at naglabas ng search warrant ang kanilang mga operatiba.

Dagdag pa nito na nasa listahan ng drug personalities ng lalawigan ang sangkot na mag-asawa bagaman hindi sila kabilang sa mga prayoridad na target ng PDEA- Pangasinan ay naisama sila sa watch lists dahil bukod sa pag-maintain ng drug den ay sila rin ang tinutukoy umano na nagsu-suplay ng mga ilegal na droga sa mga karatig bayan.

Lumalabas sa imbestigasyon na ang supplier ni Diane Soriano ay nanggagaling sa Metro Manila o sa mga lugar na pinamumugaran ng mga aktibidad ng ilegal na droga at mayroon din itong mga kamag-anak sa Muntinlupa na kontak ng mga ito kaya nakakapagbenta ng mga ilegal na droga sa lalawigan ng Pangasinan.

Ang naturang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 6 (Maintenance of a Drug Den), 7 (Employees and Visitors of a Drug Den), 11 (Possession of Dangerous Drugs), 12 (Possession of Drug Paraphernalia), 13 (Possession of Dangerous Drugs during Party and Gathering), 14 (Possession of Drug Paraphernalia during Party and Gathering), at 15 (Use of Dangerous Drugs) sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o ang Dangerous Drugs Act of 2002. EVELYN GARCIA