MAG-ASAWANG KASAPI NG CTG SUMUKO

MAGUINDANAO— DAHIL sa pangamba sa kanilang buhay at kaligtasan, napagdesisyunan ng mag-asawang kasapi ng communist terrorist group (CTG) na iwaksi na ang armadong pakikibaka at magbalik-loob sa gobyerno sa pamamagitan ng pagsuko sa tropa ng 5th Special Forces Battalion sa Brgy. Ned, Lake Sebu, South Cotabato.

Kinilala ang sumuko na si alyas Loloy, isang political instructor, kasapi ng Platoon Madrid ng South Regional Command Daguma kasama ang kanyang misis na si alyas Lalay na isang medic sa nasabing pangkat, kapwa sa ilalim ng Far South Mindanao Region.

Ayon kay Lt Col Zandro Alvez, Battalion Commander ng 5th Special Forces Battalion na ang mag-asawa ay sumuko nitong Lunes ng gabi.

Kasabay na isinuko nito ang kanilang mga bitbit na armas na isang 5.56mm Colt M16A1, isang M14 rifle at mga magazine.

Sinabi ni Brig.Gen. Pedro Balisi Jr., Brigade Commander ng 1st Mechanized Infantry Brigade na namulat na sa katotohanan ang mag-asawa at napagtanto nila na biktima lamang sila ng komunistang ideolohiya at panlilinlang bagay na iwinawaksi na nila ito.

Dahil dito, iginiit naman ni Maj Gen Roy Galido, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central na unti-unting nagbubunga ang programang whole-of-nation approach kung saan pumapanig na ang mamamayan sa gobyernong may puso at malasakit. VERLIN RUIZ