MISAMIS ORIENTAL-NAPATAY ng mga tauhan ng Philippine Army ang mag-asawang na kapwa sinasabing mga miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos ang engkwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at mga rebelde sa Barangay Odiongan, Gingoog City sa lalawigang ito.
Sa ulat ng AFP Eastern Mindanao Command , kinilala ang dalawang namatay na sina Jelan Pinakilid alyas Baking/Matrix, secretary ng NPA at asawang si Darling Pinakilid, medical officer ng Squad 3, North Central Mindanao Regional Committee ng NPA.
Bunga ng sumbong ng mga tao, nakumpirma ang intelligence report ng militar hinggil sa umanoy pangingikil at pagpatupad ng “Permit to Campaign at Permit to Win” sa mga kandidato sa halalan .
Namatay ang dalawang suspek bunsod ng sagupaan nang masabat ng mga tauhan ng Phil. Army katuwang ang 42nd MICO, isang Operational-Control (OpCon) unit ng 402nd Infantry Brigade at Misamis Oriental PIU ang grupo NPA.
Ayon sa militar, si Alyas Baking ay isa sa mga most wanted at kilalang NPA na may kasong murder, frustrated murder, at rebellion.
Ayon kay Lt Gen. Greg Almerol, Commander of Eastern Mindanao Command (EastMinCom), sunod-sunod nang bumabagsak ang mga lider at kasapi ng communist terrorist group bunsod ng serye ng Law Enforcement Support Operations ng militar at pulis kabilang dito ang pagkakadakip kay Dr. Maria Natividad Marian Castro alias Dok Nati, Communist Party of the Philippines (CPP) Central Committee member at head ng kanilang National Health Bureau.
Si Castro ay nadakip ng pinagsanib na puwersa ng 4th Infantry Division’s 401st Brigade, intel units, Joint Task Force (JTF) NCR, Police Regional Office 13 (PRO-13), at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa bahay nito sa San Juan City, Metro Manila. VERLIN RUIZ