MAG-ASAWANG “PLANTITOS AT PLANTITAS” HULI SA TANIM NA MARIJUANA

SORSOGON- BINIGYAN ng papuri ni PNP-Police Regional Office 5 Director BGen Jonnel Estomo ang naging matagumpay ng buy-bust operation ng kanyang mga tauhan na nagresulta sa pagkakadiskubre sa isang hardin na hinaluan ng marijuana plants.

Nadiskubre ng pinagsanib na puwersa ng PDEU/PSOU ng Sorsogon Provincial Police Office , Sorsogon City Police/CPDEU, 1st PMFC-Sorsogon at PDEA-ROV ang ginagawang pagtatanim ng marijuana ng magkalive-in partner sa Brgy Bibincahan, siyudad ng Sorsogon nitong kamakalawa ng hapon.

Sa report na sinumite kay Bicol PNP chief PBGen Estomo ng Sorsogon Police Provincial Office, matagal na umanong minamanmanan ng mga awtoridad ang dalawa matapos na matiktikan ang lantarang pagpapatuyo at pagbibilad ng mga ito ng dahon ng marijuana sa harapan ng kanilang bahay.

Kinilala ang mga suspek na sina Architect Marc Baranda Ducay, 41-anyos at ang ka-live in na si Heide Tulao Badajos, 41-anyos na isang freelance architect.

Bumungad sa mga operatiba ang potted marijuana plants at seedlings na natagpuan sa likuran ng bahay ng mga suspek. Bukod dito nakumpiska rin sa kanila ang 508.6 gramo ng tuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P61, 000.00.

Kasong paglabag sa Article II Section 5 at section 11 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang kakaharapin ng mga suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng Sorsogon CPS.
VERLIN RUIZ