LEYTE- IPINAG-UTOS na disarmahan at sibakin sa kanilang mga puwesto ang mag-asawang pulis na inaakusahang nangharas ng tatlong journalist na nagko-cover sa isang alitan sa lupa at magpaputok pa ng baril sa Pastrana sa lalawigang ito.
Ayon sa Philippine National Police(PNP), inutos na ang pag relieved sa mag-asawang sina Staff Sergeants Rhea May Baleos at Ver Baleos.
Ayon kay Leyte Police Provincial Office officer in charge Lt. Col. Ricky Reli, bukod sa pagsibak sa puwesto ay pansamantalang dinisarmahan ang dalawa upang mabigyang daan ang patas na imbestigasyon hinggil sa tensyon at kaguluhang naganap sa Barangay Jones Pastrana nitong nakalipas na Linggo.
Sinasabing nakunan ng video ang babaeng pulis na ipinagtutulakan ang isa sa tatlong journalist habang puwersahang ipinagtabuyan ang mga ito at dinig umano mga putok ng baril sa video recording.
Kinilala ang tatlong kasapi ng media na sina Lito Bagunas, Noel Sianosa at Ted Tomas ng San Juanico TV na nagsasagawa ng panayam sa mga magsasakang sina Virgilio at Anecita Nogal na sinasabing land reform beneficiaries at may karapatan sa isang pirasong palayan .
Nabatid na inaangkin din ang nasabing lupain ng isang residente na kinilalang si Moises Empillo at isinanla nito ang nasabing bukirin sa mga Baleos noong 2017.
“We are still investigating the said incident and rest assured that we will not be biased with our investigation and if proven that our personnel have truly committed all the accusations, our office will not tolerate such misconduct,” ani Reli.
Tiniyak din ni Presidential Media Task Force on Security chair Paul Gutierrez na sa ilalim ng Marcos administration ay hindi kukunsintihin ang anumang pang aabuso sa ating mamamayan lalo na sa mga kasapi ng media.
Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) inagaw umano ni Baleos ang cellphone na ginagamit ni Sianosa sa pagkuha ng video at ipinagtulakan ang mamamahayag sa gitna ng kanilang pagtatalo. VERLIN RUIZ