ALBAY – BRUTAL na pinatay ang mag-asawang senior citizens makaraang bigtiin ng mga miyembro ng Akyat-Bahay Gang sa loob ng kanilang bahay sa Zone 1, Barangay Kinalansan sa bayan ng San Jose, Camarines Sur may ilang araw na ang nakalipas.
Kinilala ng pulisya ang mag-asawa na sina Elly Paraiso Balcueva, 83; at Nelly Paano Balcueva, 86, kapwa nakatira sa nabanggit na barangay.
Sa police report na nakarating kay P/captain Margarito Manaog, sinasabing may isang linggong patay na ang mag-asawa sa loob ng pag-aaring bahay bago madiskubre noong Miyerkoles ng tanghali kung saan sinasabing sinakal bago pinagnakawan.
Ayon sa 53-anyos na anak na si Emerita Balcueva, nadiskubre ang insidente nang magtungo sa bahay ang kanilang 48-anyos na laborer na si Teddy Villanueva.
Nabatid na winasak ng ayat-bahay ang pintuan ng kusina bago pumasok at isinagawa ang pagnanakaw kung saan nagkalat ang mga gamit habang narekober sa crime scene ang bag ng babae na naglalaman ng P25,763 cash.
May teorya ang pulisya na nagising ang mag-asawang senior dahil sa ingay kaya pinatahimik ng mga suspek kung saan posibleng naiwan ang malaking halaga na nasa bag dahil na rin sa pagmamadaling tumakas habang patuloy naman ang imbestigasyon. MHAR BASCO