MAG-DONATE sa mga biktima ng Bagyong Odette sa halip na bumili ng paputok.
Ito ang pahayag ni Acting Presidential Spokesperson, Cabinet Secretary Karlo Nograles matapos iulat ng Department of Health (DOH) ang 25 firecracker-related injuries bago ang Bagong Taon.
“Tama po iyon, imbes na igastos natin sa paputok, sa firecrackers na bawal po, ibigay na lang po natin sa mga kababayan natin na nangangailangan. Those na tinamaan, lubos na naapektuhan ng Typhoon Odette, doon na lang po natin ibigay ang tulong natin,” pahayag nito sa Palace press briefing.
Sa executive order na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2017, sinabi ni Nograles na ang mga paputok ay dapat lamang sa mga community fireworks display upang mabawasan ang panganib ng mga pinsala at casualty.
Binanggit din niya na ang community fireworks ay dapat lamang isagawa sa ilalim ng pangangasiwa ng isang sinanay na lisensiyado ng Philippine National Police (PNP).
“Dapat wala nga po tayong fireworks-related injuries na makikita dahil nga po community fireworks lang po ang puwede,” dagdag nito.
Hindi rin hinihikayat ang paggamit ng torotot na maaring makahawa ng COVID-19.
“Hindi pupuwede iyong torotot, hindi pupuwede iyong anything na wind instruments na lumalabas sa ating bibig iwasan din po natin iyan.”
Sinabi ni Interior Secretary Jonathan Malaya, sa kanyang bahagi, na ang DILG, PNP, at Bureau of Fire Protection (BFP) ay kasalukuyang nagsasagawa ng mga pagsisikap na sugpuin ang paggawa, pagbebenta, at paggamit ng mga ilegal na paputok at pyrotechnic device.
“Ang PNP po at LGU mayroon po silang katungkulan to enforce national and local policies regarding the use of firecrackers at puwede po silang magsagawa ng mga inspeksyon and they can also confiscate and sirain itong mga prohibited firecrackers and pyrotechnic devices,” dagdag pa ni Malaya.
Ayon sa DOH, tumaas ng 108 percent ang fireworks-related injuries na may 25 na naiulat na kaso mula Disyembre 21 hanggang 29. 12 kaso lamang ang naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Karamihan sa mga nasugatan ay kabilang sa mga menor de edad na siyam hanggang 16 habang ang pangunahing sanhi ng mga pinsala ay ang mga ipinagbabawal na paputok tulad ng boga, 5-star, at piccolo. PNA