MAG-E-EXPIRE NA MGA BAKUNA AT BOOSTER, IPAMIGAY NA

NANANAWAGAN si Senadora Imee Marcos sa Department of Health na ipamigay na ang mga bakuna at booster sa lahat ng may gusto anumang sektor na ngangailangan ng proteksiyon laban sa Covid-19, bago pa man mag-expire.

Binigyang diin ni Marcos na masasayang lang ang bilyon-bilyong pisong ginastos para bilhin ang mga gamot, gayong libo-libo ang humihingi ng booster shot sa buong bansa.

“Mawawalan na ng bisa ang nasa P5-bilyon pisong binili nating mga booster gaya ng Moderna sa July 27, ipamigay na ‘yan para mapakinabangan kaysa mabasura na lang, plis lang!” diin ni Marcos.

Sinabi ni Marcos na bukod sa Moderna ay may natitira pang Pfizer booster shot na malapit na ring mag-expire.

“Tumataas na naman ang mga tinatamaan ng Covid-19 at dahil sa kawalan ng sapat na pondo lalo na ng ating LGUs, sa Metro Manila at mga probinsya, wala pa silang pang-booster shot sa mahihirap nating mga kababayan,” ani Marcos.

Sa kasalukuyan, nasa 2,646 ang naitala ng DOH na panibagong kaso ng Covid-19 infections. Sa nagdaang dalawang linggo, nakapagtala naman ng pinakamaraming kaso ng Covid sa National Capital Region na nasa 14,821 kaso.

Sinundan ito ng Calabarzon na nasa 9,715, pangatlo ang Central Luzon na nasa 4,551, Western Visayas nasa 2,642 at Central Visayas na nasa 2,022.

Una na ring nanawagan ang pamahalaan na huwag nang hintaying sumipa na naman ng todo ang Covid-19 cases bago magpa-booster.

“’Wag tayong maging kampante, namamayagpag pa rin ang pandemya. Protektahan natin ang ating kalusugan at ng ating mga kababayan, ibigay na Asap ang mga booster-shot, wag nang bulukin sa DOH!” diin ni Marcos.

Ayon sa DOH, nakapasok na rin sa bansa ang ‘Centaurus’ virus na B.A.2.75 subvariant at sa Region 6 naitala ang dalawang kaso nito. VICKY CERVALES