MAG-EARLY RETIREMENT NA LANG SI ALBAYALDE

Magkape Muna Tayo Ulit

NAIS ko lamang linawin na hindi ko babatikusin ang nangyayaring imbestigasyon sa Senado tungkol sa tinatawag na ‘ninja cops’. Mahirap maghusga sa ngayon kung tunay ngang may kinalaman si PNP chief Oscar Albayalde sa mga tiwaling pulis na sangkot sa pagkumpiska ng mga shabu at muling ibinebenta sa merkado. Ipinauubaya natin ‘yan sa resulta ng imbestigasyon sa Senado o kung mayroon mang magsasampa ng kaso laban kay Albayalde sa Ombudsman.

Ang aking opinyon ay dapat magbitiw si Albayalde sa kanyang puwesto. Hindi nanga­ngahulugan na nahusgahan na siya na sangkot nga siya. Hindi ito tulad ng mga ibang oposisyon na ‘lima singko’ ang hi­ling ng pagbibitiw sa puwesto ng isang opisyal upang mambatikos lamang.

Ang buod ng aking panawagan ay upang protektahan o magsilbing kalasag si Alba­yalde sa imahe ng PNP. Halos isang buwan na lang ang nalalabi bago magretiro si Albayalde sa serbisyo. Hindi na niya kailangang patagalin pa. Maaari na siyang magretiro bago umabot ang takdang petsa ng kanyang kaarawan sa Nobyembre. Sa mada­ling salita, mag-early retirement na lang sana siya.

Magbibigay pa ito sa kanya ng pagkakataon na mabawasan ang presyon ng kaliwa’t kanan na batikos laban sa kanya. Habang nakaupo pa siya sa puwesto, walang tigil ang pagkalap ng mga isyu laban sa kanya. Nakasasagabal din ito sa mga pang araw-araw na gawain niya bilang pinakamataas na opisyal ng PNP.

Ang mas mahirap pa rito ay kung biglang mag-anunsiyo si Pa­ngulong Duterte na papalitan si Albayalde sa ilang linggong natitira sa kanyang serbisyo sa pagkapulis. Dapat ay unahan na ni Albayalde ito. Maaari siyang mag-file ng early retirement dahil sa mga nangyayaring kaganapan.

Ang payo ko kay Albayalde ay mag-anunsiyo ng kanyang pagbibitiw sa puwesto upang magkaroon ng patas na imbestigasyon tungkol sa ‘ninja cops’. Ito rin ay upang hindi masira ang imahe ng PNP na ilang dekada niyang pingsilbihan at minahal.

Subalit nagsabi na si Albayalde noong Lunes na ibinibigay niya ang desisyon kay Pangulong Duterte kung kailangan na siyang palitan sa puwesto bago umabot ang ika-8 ng Nobyembre, ang kaarawan ni Alba­yalde.

Ganito rin ang pananaw ni Sen. Drilon kamakailan na dapat ay pag-isipan na ni Albayalde ang early retirement. Makadaragdag daw ito ng kredibilidad sa PNP dahil sa sinasabing command responsibility.

Subalit ang ganitong payo mula sa isang kilalang oposisyon, duda ako na pakikinggan ito ni Albayalde.

Comments are closed.