CAMARINES SUR-ANIM na indibidwal ang nadakip ng mga tauhan ni PNP-PRO5 Director BGen Jonnel C Estomo sa isinagawang anti-illegal drugs operation ng pinagsanib na puwersa ng PNP Bicol at PDEA ng lalawigang ito.
Ang mga suspek ay ang mag-iinang sina Maria Abendaño y Galon, 52-anyos; Mylene Abendaño y Eveller, 31-anyos; Efren Jay Abendaño y Galon, 18-anyos; Eric Sargento y Coner, 21-anyos; Zacarias Abendaňo y Galon, 25-anyos, pawang mga residente ng Maguiring, Calabanga, Camarines Sur.
Kabilang rin sa mga nahuli ang isa pa nitong kasamahan na si Francisco Veralde y Benetiz, 38-anyos tubong Brgy. Sibobo, Calabanga, Camarines Sur.
Nabatid na ganap na ala-6 ng umaga sa Zone 2, Brgy. Manguiring, Calabanga, Camarines Sur nang isagawa ang buy bust operation makaraang dayuhin ng mga operatiba ang bahay ng isa sa mga suspek na si Maria upang bumili ng 5 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P34,000.00.
Bukod dito, nasamsam rin sa mga suspek ang karagdagang 55 gramo ng shabu na tinatayang nasa P374,000.00 ang halaga.
Sa kabuuan umabot sa P408,000 ang halaga ng drogang nakuha mula sa mga suspek.
Nasa pangangalaga ngayon ng Calabanga MPS ang mga suspek para sa kaukulang disposisyon at dokumentasyon. VERLIN RUIZ