MAG-IINA MINASAKER NG ADIK NA KAPITBAHAY

PANGASINAN-PATAY na nang matagpuan ng kanyang tiyuhin, ang mag-iina, sa loob ng kanilang tahanan nito lamang Biyernes sa Brgy, Lagasit sa bayan ng San Quintin sa lalawigang ito.

Sa report na ipinadala ni SSG.Jayson Cariag, kay Capt. Ramsey Ganaban, hepe ng San Quintin Municipal Police Station kinilala ang mga biktima na Crystalene Lichauco Ogaco, 36-anyos, Online seller at Online tutor na nagtamo ng 26 na saksak sa katawan, habang limang saksak naman kay Ashlyn, 10-anyos, panganay na anak at Jacob, 6-anyos na nagtamo ng 2 saksak at palo sa ulo.

Agad rin na nadakip ang suspek na si Dexter Lichauco, 24-anyos, kapitbahay ng mga biktima nang makiusyoso ito sa imbestigasyon ng PNP kung saan napansin ng mga pulis ang sugat at galos sa katawan ng suspek.

Matapos ang interogasyon, positibong inamin ng suspek na siya ang pumatay sa mag-iina sa pamamagitan ng saksak.

Lumitaw rin sa isinagawang drug test na positibo si Dexter sa paggamit ng ipinagbabawal na droga.

Sa inisyal na imbestigasyon, umuutang ang suspek sa biktima subalit hindi ito pinagbigyan dahil sa mayroon pa itong utang na hindi pa nababayaran.

Nabatid na bago ang karumal-dumal na pamamaslang pinagbabato nito ang bahay ng mag-iina.

Samantala, 3 kaso ng murder ang isasampa ng mga pulis laban sa suspek. THONY ARCENAL