KALUNOS-lunos ang sinapit ng isang ina at tatlo nitong anak kabilang ang kambal matapos lamunin ng apoy ang kanilang tinitirhan apartment sa lungsod ng Ozamiz.
Batay sa report ng Bureau of Fire Protection (BFP)- Ozamis City ang mga nasawi ay kinilalang si Divina Gracia Godiz, 29-anyos at anak nitong 5-anyos na babae at kapanganganak pa lamang na kambal, residente ng Abastillas apartment, Purok Green Valley, Barangay Tinago, Ozamiz City.
Nabatid sa ulat ng BFP, sumiklab ang naturang sunog dakong alas-4:20 ng hapon sa dalawang palapag na apartment sa nasabing lugar.
Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, bigla na lamang lumiyab ang poste hanggang sa gumapang ito sa ikalawang palapag ng apartment na tinitirhan ng mag-iina.
Ayon sa ama ng biktima na si Domingo, posibleng ang paggapang ng apoy mula sa poste ay inabot nito ang kurtina hanggang sa kumalat sa rubberized floor mat.
Aniya, tinangka pa nilang iligtas ang kanyang anak at mga apo subalit sobrang kapal na ng usok at paglaki ng apoy.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng pamatay-sunog sa nasabing lugar at makalipas ang halos isang oras ay naapula ang apoy at nakita na lamang ang sunog na bangkay ng mag-iina.
Nanawagan naman si Acting City Fire Marshal Fire Senior Inspector Erwin Peter Macamay sa publiko na kapag may sunog sa kanilang lugar ay agad na ipagbigay-alam sa malapit na fire station sa halip na unahin ang pagkuha ng video para agad na maagapan ang sunog.
EVELYN GARCIA