MAG-INA, 4 PA NA MINASAKER NG 2 GANG MEMBERS NASAKOTE

NAGWAKAS ang pagtatago ng dalawang miyembro ng Norteno Gang kaugnay sa cartel-style execution ng anim na miyembro ng pamilya sa kanilang bahay sa bahagi ng Harvard Road, Goshen, Tulare County, California nitong nakalipas na Linggo ng madaling araw.

Nahaharap sa kasong 6-counts of murder ang 2 akusadong sina Angel Uriarte, 35-anyos at Noah Beard, 25-anyos na sinasabing cold-blooded killers at kapwa miyembro ng notoryus na Noreno Gang.

Kinilala ng Tulare County Sheriff’s Office deputies ang mga biktima na sina Eladio Parraz, 52-anyos; Marcos Parraz, 19-anyos; Jennifer Analla, 49-anyos; Rosa Pa rraz, 72-anyos; Alissa Parraz, 16-anyos; at anak nitong 10-month-old baby na si Nycholas.

Sa pahayag ni Tulare County Sheriff Mike Boudreaux, ang pagpatay sa mga biktima ay resulta ng hidwaan ng magkaribal na Nortenos at Surenos Gang na sinasabing may history ng gun violence at narcotics activity subalit ang brutal na pagpatay sa 6 na miyembro ng pamilya ay walang malinaw na motibo bagaman si Eladio ay convicted felon na inaresto subalit nakapagpiyansa kaya pansamantalang nakalaya.

Lumilitaw na ang pag-aresto kina Uriarte at Beard ay bunsod ng “Operation Nightmare” kung saan sanib-puwersa ang 100 law enforcement officials mula sa local at federal agencies para isagawa ang search warrant sa 3 lugar na sumailalim sa 10-araw na surveillance laban sa mga suspek.

Ayon pa sa ulat, nasakote si Beard na mahinahon habang si Uriarte naman ay lumaban at nakipagbarilan sa mga awtoridad kaya nabaril ito sa katawan bago isinugod sa ospital kung saan ay nasa maayos na ang kondisyon.

Base sa surveillance video na ipinakita sa news conference at nailathala sa USA Today, pinakabrutal na pagpatay sa mag-inang Alissa Parraz at kanyang 10-month-old baby na tinangkang umakyat sa bakod para tumakas subalit hinabol ng mga suspek bago pinutukan ng ilang ulit sa ulo habang ang 72-anyos na lola na si Rosa ay pinagbabaril habang natutulog. MHAR BASCO