MAG-INA NATUSTA SA SUNOG

ZAMBOANGA DEL NORTE- PATAY ang isang 16 anyos na ina pati na ang sanggol na anim na araw pa lamang naipapanganak matapos tupukin ng apoy ang kanilang bahay sa Dipolog City.

Batay sa report ng Dipolog City Police Station, ang biktima ay nakilalang si Lyza Jamindang Dumiande at ang kanyang sanggol na anim na araw ang edad ay residente ng Purok Tipo sa Barangay Sicayab sa Dapitan City.

Sa isinagawang pagsisiyasat ng pulisya, naganap ang sunog kamakalawa ng madaling-araw habang nasa laot ang mangingisdang asawa ng biktima na si Bernabe Cadano, 20-anyos ng nasabing lugar.

Nabatid na dahil nasa liblib na lugar ang bahay ng mga biktima ay hindi agad narespondehan ng mga pamatay sunog at nang makarating ang mga ito ay tupok na ang bahay kasama ang mag-ina.

Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad kung ano ang sanhi sa naganap na sunog.
EVELYN GARCIA