MAG-INA PATAY SA SUNOG

LEYTE- NASAWI ang mag-ina nang makulong sa loob ng nasusunog nilang bahay sa Ormoc City sa lalawigang ito kahapon ng madaling araw.

Sa ulat na ibinahagi ng Ormoc City PNP at mga arson prober ng BFP, kinilala ang nasawing mag-ina na sins Belen Sumalinog , 62-anyos at anak na si Lyndon Sumalinog Mendoza, 36-anyos.

Sinasabing hindi kaagad nakalabas ng kanilang bahay ang mag ina nang magsimulang lamunin ng apoy ang kanilang tinitirhan na nasa Barangay Cogon dakong alas-2 ng madaling araw.

Sinubukan umano ng mga kapitbahay na iligtas ang dalawa subalit sadyang malaki na ang apoy nang magising ang mga ito kung kaya hindi na nasaklolohan ang mga biktima.

Napag-alaman na walang kasama sa bahay ang mga biktima nang mangyari ang sunog.

Bukod sa bahay ng mag ina, may dalawang bahay din ang nadamay sa sunog na idineklarang fire out bandang alas-4:02 ng madaling araw.

Ayon sa Ormoc City Fire Station, tinatayang umabot sa P1.8 milyon ang halaga ng pinsala sa sunog at kasalukuyang inaalam pa ng mga arson investigators ang pinagmulan ng apoy. VERLIN RUIZ