LAGUNA- DEAD on the spot ang mag-ina nang masalpok ng isang van ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Sumulong highway, Barangay Sta.Cruz, Antipolo City, Sabado ng gabi.
Sa report ni Police Col. June Paolo Abrazado, Antipolo police chief kay Rizal PNP provincial director Col.Dominic Baccay, kinilala ang mga biktima na sina Herran Lander Alejandro, 25, binata at ang ina nito na si Anne Alejandro, kapuwa residente ng nasabing lungsod.
Sugatan naman ang nakabangga na nakilalang si Luis Bayanin lll, na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to double homicide at damage to property.
Alas-6.30 ng gabi nang maganap ang malagim na aksidente sa Sumulong highway.
Marahan umanong minamaneho ng batang Alejandro ang kanilang motorsiklo patungong lungsod ng Antipolo ng bigla silang salpukin ng Innova wagon na minamaneho naman ni Bayanin sa opposite direction.
Sa lakas umano ng pagkakabundol, tumilapon ang mag- ina mula sa kanilang motorsiklo at tuloy- tuloy na nahulog sa 20 talampakan bangin na nagresulta ng kanilang kamatayan.
Kasama naman nasugatan sa nabanggit na salpukan ang misis ni Bayanin na si Jackielyn at ang dalawang taong gulang nilang anak na lalaki, na agad na naisugod sa ospital ng naturang lungsod.
Lumitaw sa imbestigasyon na nawalan ng kontrol sa sasakyan si Bayanin na nagresulta upang mag- overshoot ito sa kabilang linya na nagresulta sa banggaan. ARMAN CAMBE