TIGIL na sa pagtutulak ng ilegal na droga ang mag-inang matapos masakote sa ikinasang buy bust operation na nakumpiskahan ng P36-K halaga ng shabu kahapon ng madaling araw sa Malabon City.
Kinilala ni Malabon police chief Col. Amante Daro ang naarestong mag-ina na sina Jocelyn Macinas alyas “Len-Len”, 47-anyos at Joann Macinas, 23-anyos, kapwa residente ng 123 Daang Bakal 8th Ave. Brgy. 59 Caloocan City.
Bandang alas-3 ng Miyerkules ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni Cpt Alexander Dela Cruz ng buy bust operation sa Pureza Street, Brgy. Tugatog, matapos ang natanggap na impormasyon na nagbebenta ng droga ang mga suspek.
Matapos tanggapin ng mga suspek ang P300 marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad silang dinakip ng mga operatiba.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 5.43 gramo ng shabu na may standard drug price (SDP) value na P36,924.00 at buy bust money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. VICK TANES