MAG-INA TINAGA NG BAYAW

QUEZON-PATAY ang isang ginang atbp nadamay pa ang anak nito nang saksakin at tagain ng kanyang lasing na bayaw sa Brgy. Tala San Andres nitong Lunes ng hapon sa lalawigang ito.

Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Municipal Health Center ng San Andres ang 56-anyos na biktimang si Leonor Beñegas.

Kritikal naman at inilipat sa ospital sa Lucena City ang anak nito Rosalie Ortega, 34-anyos.

Base sa report ng San Andres PNP, dakong ala-5:45 ng hapon nang dumating sa bahay ng mga biktima ang lasing na suspek na si Gary Presilda, 36-anyos at sinaksak nito si Beñegas gamit ang isang itak.

Tinangkang umawat ng anak subalit tinaga rin ito.

Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang pananaga at kasalukuyang pinaghahanap ng pulisya.

Ayon kay Cpt. Angelo Abarzosa, hepe ng San Andres police, may matagal nang samaan ng loob ang bayaw at kanyang hipag at sumisiklab ito kapag nakakainom ang suspek.

Napag-alaman din na dati na ring nakasuhan at nakulong ang suspek matapos tagain nito ang kanyang sariling tatay.

Nakatakdang sampahan ng kasong murder at frustrated murder ang suspek. BONG RIVERA