MAG-INA TODAS SA PANANAKSAK

ZAMBOANGA DEL SUR- PATAY ang mag-ina matapos ataduhin ng saksak ng lasing na kapitbahay nitong Lunes, sa bayan ng Vincenzo Sagun sa lalawigang ito.

Kinilala ang mga nasawi na sina Maria Shennah Wayan Capilitan, 32-anyos at anak nitong si Fe, 14-anyos, pawang residente ng Purok Punta Blanco sa Barangay Lunib, Vincenzo Sagun, Zamboanga del Sur.

Agad namang naaresto ang suspek na nakilalang si Juvanie Salazar, 27-anyos, at residente sa nabanggit na lugar.

Batay sa report ng Vincenzo Sagun Municipal Police Station, naglalakad ang batang Capilitan patungo sa tindahan nang bigla na lamang itong salubungin ng suspek na armado ng patalim.

Dito, pinagsasaksak ang dalagita sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Nang makarating sa kaalaman ng ina ang nangyari sa anak ay mabilis nitong pinuntahan ang anak para tulungan subalit maging siya ay pinagsasaksak ng suspek sa iba’t ibang parte ng katawan na agad din nitong ikinamatay.

Mabilis naman rumesponde ang mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng krimen na nagresulta sa agarang pag-aresto sa suspek.

Nahaharap ngayon sa dalawang kasong pagpatay ang suspek habang patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing krimen.
EVELYN GARCIA