CAVITE – Imbes na akayin ng ina sa kabutihan ang kanyang anak na lalaki ay kinasabwat pa nito sa drug trade kaya naman nasakote sila sa inilatag na anti-drug operation ng pulisya at tauhan ng Phil. Drug Enforcement Agency (PDEA 4A) sa bahagi ng Barangay Sta. Fe sa Dasmariñas City kamakalawa ng hapon.
Pormal na kinasuhan sa Dasmariñas City Prosecutor’s Office habang naghihimas ng rehas na bakal ang mag-inang suspek na sina Nancy Mahusay, 54; at John Vincent Mahusay, 22, kapuwa nakatira sa Block 22 excess lot sa nabanggit na barangay.
Base sa ulat ni P/Supt. Nerwin Ricohermoso na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia, lumilitaw na isinailalim sa masusing surveillance ang mag-ina bago isagawa ang “Operation Double Barrel” kung saan nagpanggap na buyer ang isang pulis.
Gayunman, nagpositibo ang mag-ina na nagtutulak ng droga kaya kaagad na dinakma ng mga awtoridad kung saan nasamsam kay Nancy ang 31 plastic sachet na shabu at P300 marked money na ginamit sa anti-drug operation.
Samantala, nakumpiska naman kay John Vincent ang 10 plastic sachet na shabu at ilang drug paraphernalia.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang mag-ina na ngayon ay sising-alipin sa kulungan. MHAR BASCO
Comments are closed.