PINAYUHAN ng Department of Health (DOH) ang publiko na maging maingat laban sa naka- mamatay na heat stroke, at iba pang karamdaman ngayong Holy Week.
Ang payo ni Health Secretary Francisco Duque III ay kasunod na rin nang nararanasang lalo pang pagtindi ng init ng panahon sa bansa.
Nagbigay rin naman ng ilang tips ang kalihim upang makaiwas sa mga karamdaman sa panahong mainit ang panahon.
Ayon kay Duque, kung plano ng publiko na mag-Visita Iglesia sa Mahal na Araw, ay dapat na magbaon sila ng bottled water at palagiang uminom upang makaiwas sa dehydration, gayundin ng mga pagkaing hindi madaling masira upang hindi malipasan ng gutom.
Dapat ring magdala ng sumbrero at payong bilang proteksiyon sa init.
“Prepare for the Visita Iglesia by bringing bottled water to keep yourself hydrated, well-packed foods that do not easily spoil, and umbrella as you visit churches,” paalala ni Duque. “By doing these simple tips, one can avoid diseases common during the hot months.”
Ang mga nagpepenitensiya naman ay pinayuhan rin ng Kalihim na tiyaking sterilized ang mga pakong gagamitin sa kanilang pagpapapako upang makaiwas sa tetano, na maaaring makuha nila kung gagamit ng hindi sterilized o kaya kalawanging pako.
Ang mga taong may high blood pressure at iba pang karamdaman, na maaaring mapalala ng labis na init at pagkabilad sa araw, ay pinayuhan rin ni Duque na tiyaking may baong maintenance medicines araw-araw.
Kung hindi naman umano mahalaga ang pupuntahan ng mga ito ay mas makabubuti kung mananatili na lamang sila sa kanilang mga tahanan sa pagitan ng 10:00 ng umaga hanggagn 3:00 ng hapon, kung kailan pinakamainit ang panahon.
Para naman sa mga bibiyahe ngayong Holy Week, sinabi ni Duque na dapat na magbaon sila ng first aid kits at mga gamot bilang safety precaution.
Aniya, mahalaga ring tiyaking nasa kondisyon ang sasakyang gagamitin sa pagbiyahe, umiwas sa mabilis na pagpapatakbo ng behikulo at tiyaking nakasuot ng seat belt, helmet at iba pang protective gears.
“The Holy Week is a time for solemnity. We can make our religious/spiritual and other activities safe, disease and stress-free if we observe these reminders,” aniya pa. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.