MAG-INGAT SA NAGPALIPANANG MGA ENERGY SAVING DEVICE

Joe_take

HINDI natin maipagkakaila ang kahalagahan ng teknolohiya sa ating buhay sapagkat mas pinadadali nito ang access sa impormasyon bukod sa kakayahan nitong ilapit tayo sa ating mga mahal sa buhay kahit pa sila ay nasa ibang bansa.

Sa kabilang banda, napakarami ring mga grupo sa social media na ginagamit itong plataporma ng pang-aabuso sa pamamagitan ng pagkakalat ng mga pekeng impormasyon para sa kanilang pansariling interest.

Kabilang na rito ang isang viral post sa social media na nagbebenta ng mga pekeng energy saving device na agad pinabulaanan ng Manila Electric Company (Meralco).

Sa aking YouTube channel na Cup of Joe, aking tinalakay at pinabulaanan ang ikinalat na pekeng impormasyon sa mga device na ito. Ayon sa Meralco Power Lab, ang multi-purpose facility ng Meralco na naglalayong bigyan ng detalyadong impormasyon ang mga customer sa konsumo ng bawat gadget at appliance na kanilang tine-test, walang katotohanang makatitipid ang mga customer sa paggamit ng diumano’y energy saving devices na ito, bagkus ay magbibigay lamang ito ng karagdagang gastos na halos P27 kada buwan.

Dagdag pa ng Meralco PowerLab, hindi rin garantisadong ligtas gamitin ang mga ito.

Kung nais nating makatipid sa pagkonsumo ng koryente, ang natatangi lamang nating gawin ay ang pumili ng mga appliance at gadget na may yellow tag ng Department of Energy at orange label ng Meralco.

Ang yellow tag ay nagpapakita ng energy efficiency factor (EEF) ng isang gadget. Kung may mataas na EEF ang isang appliance, garantisadong mas tipid ito kumpara sa ibang mga kapareho nitong appliance o gadget na walang yellow label. Samantala, ipinakikita naman sa orange tag ng Meralco ang energy cost per hour ng mga appliance upang mabigyan ng ideya ang mga customer kung gaano kalaki ang konsumo nito sa koryente.

Higit sa lahat, napakahalaga ng tamang paggamit ng mga gadget, kaya’t dapat nating ugaliin ang pagbunot sa mga appliance sa mga outlet kung hindi na ito ginagamit.

Maging mapanuri tayo sa mga kumakalat na impormasyon. Bilang mamamayan, napakahalaga ng ating kooperasyon sa paglaban sa paglaganap nito.

Ngunit paano nga ba maiiwasan ang fake news sa social media? Una, siguruhing ang website na pinanggalingan ng impormasyon ay verified sa social media o kaya’y ito ang opisyal na website ng mga news media outlet. Kadalasan, makikita ang isang blue check sa mga verified social media page katulad ng Facebook, Twitter, at Instagram.

Pangalawa, maging mabusisi rin sa mga larawan at headlines sapagkat ang mga ito ang karaniwang nagiging basehan ng pag-click at pagshare ng mga netizen ng mga impormasyon.

Noong nakaraang linggo, nagbigay na ng babala ang Philippine National Police (PNP) laban sa mga lumalaganap na mga pekeng impormasyon. Ayon sa PNP, lubos silang nakatuon sa pagpigil nito sa pamamagitan ng pagpataw ng kaso sa mga grupo o indibidwal na nagkakalat ng mga ito.

Bilang mga mamamayan, tayo ay mayroon ding kakayahan upang pigilan ang pagkakalat ng pekeng impormasyon sa Internet sa pamamagitan ng pagrereport ng mga impormasyon, balita, at mga page na pinanggagalingan ng mga ito. Sa pamamagitan nito, maiiwasang makaabot ng mga misleading post sa mga netizen na wala nang oras magverify kung totoo nga ba o hindi ang mga impormasyon na kanilang binabasa.

Dapat na nating puksain ang mga aktibidad na ito bago pa man ito maging sanhi ng propaganda, pagbabaluktot ng opinyon ng publiko, at paglaganap ng karahasan at hate speech sa ating bansa.