‘MAG-INGAT SA NAKAMAMATAY NA DENGUE’

NOONG kalagitnaan ng Mayo taong kasalukuyan ay nagdeklara na ng tag-ulan ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sabi nga ng marami, “paalam tag-araw.”

Kaya tapos na ang pagtampisaw sa mga beach at resort kahit may iilang mga humahabol pa rin.

Madalas maalinsangan ang panahon tuwing tanghali at pagsapit naman ng gabi o hapon ay biglang bumubuhos ang malakas na ulan.

Marami namang natutuwa dahil tapos na rin ang malaking gastusin sa kuryente dahil sa paggamit ng mga electric fans at aircon.

At dahil tag-ulan na nga, nagiging luntian na rin ang kapaligiran at marahang umuusbong ang mga damo at talulot ng mga halaman.

May dalang panganib nga lang ang panahong ito.

Nagdudulot din kasi ito ng pangamba sa mga magulang dahil sari-saring sakit lalo na sa mga bata ang dulot nito tulad ng sipon, ubo, trangkaso, at iba pa, habang nagbabanta pa rin ang COVID-19.

Ngunit ang pinaka-pinangangambahan ay ang nakamamatay na dengue na dulot ng lamok na “aedes egypti”.

Bata man o matanda, mayaman o mahirap, may ngipin o wala, ay walang pinapalampas o pinipili ang dengue.

Ang Hunyo nga ay idineklarang “Buwan ng Pambansang Kamalayan ng Dengue” o National Dengue Awareness Month na nakapaloob sa Presidential Proclamation No. 1204 at may petsang Abril 21, 1998 na nilagdaan ni dating Pangulong Fidel Ramos.

Inamin naman mismo ng Department of Health (DOH) na tumaas ng 58 percent ang dengue cases sa bansa loob ng higit limang buwan ngayong taon kumpara sa kaparehong panahon noong 2021.

Mas maraming kaso ang naitala sa Central Luzon, Central Visayas at Zamboanga Peninsula.
Batay sa datos, mula January 1 hanggang June 18 ngayong taon, nasa 51,622 ang kabuuang bilang ng reported dengue cases o mas mataas sa 32,610 noong nakalipas na taon.

Pinakamarami sa Central Luzon na 6,641, sinundan ng Central Visayas na may 6,361 at Zamboanga Peninsula na may 4,767 cases.

Mula May 8 hanggang June 18 naman, nasa 13,075 cases ang naitala kung saan pinakamarami sa Central Luzon at Central Visayas na sinundan ng Cordillera Administrative Region (CAR).

Mataas din ang bilang ng dengue cases sa Mimaropa (Mindoro Occidental and Mindoro Oriental, Marinduque, Romblon at Palawan), Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at CAR.

Ayon kay infectious diseases specialist Dr. Edsel Maurice Salvana, karamihan sa mga nasawi dahil sa dengue ay mga kaso ng ‘repeat infections’.

Kaya mahalaga aniyang i-monitor ang kalagayan ng dengue-infected children at agad na magtungo sa ospital.

Base sa proklamasyon ni dating Pangulong Ramos, iminandato sa DOH na mamahagi ng kaukulang impormasyon sa mga mamamayan upang mabatid nila ang mga dapat gawin sa pag-iwas sa dengue.

Nangangahulugan na talagang kailangang saliksikin ang mga pinagpupugaran ng mga lamok.

Hindi pa roon nagtatapos ang ating trabaho dahil kailangan ding linisin ang mga ito tulad ng alulod, mga bote na may tubig, mga kanal o estero, at iba pa.

Kung maaari, tanggalin ang mga tubig sa mga sisidlan lalo na ang mga hindi naman ginagamit na.

Krusyal naman ang paggamit ng mosquito repellant na nabibili sa mga botika o tindahan.

Dahil malamig naman ang panahon, ugaliin ding magsuot ng pantalon o ‘di kaya’y mga damit na may mahahabang manggas upang hindi makagat ng lamok.

Mas maigi rin kung gagamit ng kulambo sa pagtulog.

Dalhin agad sa pagamutan ang bata kung may ilang sintomas tulad ng pananakit ng kalamnan, pagdurugo ng ilong, pagka-masakitin at rashes upang maagapan o malunasan kaagad ito.

Sa totoo lang, wala pang gamot ang dengue at hindi pa nga tapos ang kaso ng bakunang “dengvaxia”.

Mahalagang sumunod sa payo ng mga manggagamot o doktor.

Kayamanan ang kalusugan kaya’t huwag isantabi ang kahalagahan nito ngayong panahon ng tag-ulan.