MAG-INGAT SA ONLINE SCAMS

NAGLIPANA ngayon ang ibat ibang uri ng online scams. May mga nanloloko sa pamamagitan ng pagte-text, pagnanakaw ng identity o impormasyon, paggamit ng fake websites, pagbebenta ng mali o fake na produkto, at marami pang iba. Kaya naman kailangan nating maging mapanuri sa lahat ng oras.

Dahil maraming pagbabago sa teknolohiya, nagiging high-tech na rin ang mga kawatan. Napakahalaga na tayo ay mag-aral din at maging updated upang maiwasan na ma-scam. Bukod pa riyan, ibayong ingat ang kailangan lalo na sa mga taong laging gumagamit ng mga digital o electronic platforms, ecommerce, at mga online platforms.

Kung ang isang link, text, pop-up window, atbp. ay kahina-hinala, huwag itong i-click. Gawain ng mga scammers na mag-install ng malware sa iyong computer kapag ang link na ipinadala nila ay iyong nai-click. Sa pamamagitan nito, pwede nilang makuha ang iyong personal information o magkaroon sila ng access sa iyong system.

Madalas ding mag-offer ng mga “too good to be true” na alok ang mga scammers, kaya’t kung ang isang bagay ay masyadong mura o hindi kapani-paniwala ang benepisyong iyong matatanggap, ingat ka na. Lalo na kung may limited time offer ang alok at naramdaman mong minamadali ka sa pagbili o paggawa ng isang aksyon, maaaring scam ito,

Mag-ingat din sa mga website o kompanya na maraming maling spelling, maling grammar sa kanilang mga komunikasyon. Kahina-hinala kung puno ng mali ang laman ng mga website o mensahe ng isang kompanya. Kung makakita ka ng ganito, i-double check mo agad kung legit ba ang kompanya.

Tatlo lamang ito sa napakaraming paraan ng panloloko na ginagawa ng mga scammers at hackers. Kung ikaw naman o iyong kakilala ay mabibiktima, makipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno at ipagbigay-alam kaagad sa kanilang tanggapan ang iyong karanasan.

Enforcement and Investor Protection Department
Securities and Exchange Commission
[email protected]
(02) 8818-6337

NBI Anti-Fraud Division
[email protected]
(02) 8525-4093

PNP Anti-Cybercrime Group
[email protected]
(02) 8723-0401 local 5313