HINDI dapat mapalitan ng trahedya at sakuna ang masayang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Kaya naman dapat mag-ingat ang publiko sa mga disgrasya, partikular sa sunog dahil laganap na ang paggamit ng mga Christmas lights at iba pang mga dekorasyon na ginagamitan ng koryente.
Umiwas sa mga peke at depektibong Christmas lights na karaniwang ibinebenta sa sidewalk sa murang halaga dahil mabilis masunog ang mga ito. Bumili lamang ng Christmas lights na may PS mark at dumaan sa quality control.
Maaari ring maging sanhi ng trahedya sa isang iglap ang mga maling wiring, overloaded na mga saksakan, at mga dekorasyong de-koryente na hindi nababantayan.
Kaya ugaliing regular na suriin ang mga dekorasyon natin sa bahay at maging mapagmatyag sa anumang posibleng kapahamakan.
Makatutulong ang mga pag-iingat na ito para maprotektahan ang ating mga tahanan at mahal sa buhay at magkaroon ng masaya at ligtas na pagdiriwang ng Kapaskuhan.