MAG-INGAT SA UGALING BILI NANG BILI

rene resurrection

SANA ay lagi ninyong  nararanasan ang pagpapala ng Diyos. Panahon ng Pasko, panahon na naman ng pagbili ng kung ano-ano.  Dapat bang tangkilikin ang mga ‘sale’ na inihahandog ng malalaking malls?  Ang tawag ng ilang diyan ay ‘Midnight Madness’. Tama bang tumangkilik sa mga gimmick na ganyan na nag-uudyok sa mg taong bumili nang bumili dahil panahon na naman ng Pasko?

Sa aking palagay, tayo ay dapat mag-ingat  sa mga panunuksong iyan ng mga dambuhalang  malls.  Hinihimok kayo ng mga gimmick na iyan na ma­ging mga impulsive buyer.  Paraan iyan ng mga dambuhalang negosyante para lalo silang yumaman ‘at your expense’. Tinutukso kayo, “Bili!  Bili!  Tingnan niyo, murang-mura lang ito!” Ang matalinong tao na gustong yumaman sa malinis na paraan ay umiiwas sa ugaling palabili.

Unang-una, hindi naman talaga murang-mura ang lahat. Mayroong mga mura, pero iyong iba ay hindi naman talaga ‘sale’.

Kung bibili ka ng isang bagay na ‘sale’, babawiin nila iyon sa mga iba mong bibilhin na hindi  naman ‘sale’.  Ang payo ko, kung hindi mo naman  tunay na pangangailangan ang mga bagay  na iyon, huwag mo na lang bilhin kahit sabihin pang ‘sale’ iyon.  Hindi matalinong gawain ang pumunta sa mga gimmick na ganyan. Ang magandang technique ay ito:  Dapat ay gumawa tayo lagi ng listahan ng mga kailangang bagay.  Tiyakin nating hindi  basta mga kaluhuan ang mga isasama sa listahang iyon. Dapat ay mga bagay na pangmatagalan ang mga gamit  na iyon at hindi nalalaos.  Kung mayroon tayong listahang  ganyan, saka tayo maghintay na magkaroon ng ‘sale’.  Kapag nagkaroon na ng sale, saka natin dalhin ang listahan natin. Iyon lamang nakasulat sa listahan ang bibilhin natin mula sa tindahang nagbibigay  ng bagsak-presyo. Mag-ingat pa rin. Baka may tatak lang na ‘sale’ subalit ang totoo ay mataas pa rin ang presyo.

May mga kilala akong mga taong praktikal at matalino na sa mga lugar na bagsakan, tulad ng Divisoria, ang lugar na pinagbibilhan nila. Maganda ring ideya iyon. Ang lugar tulad ng ­Divisoria ay talagang subok nang kumpleto sa gamit at mababa ang presyo. Puwede ka ring humingi roon ng malaking tawad kung maramihan ang bibilhin mo.

Mag-ingat pa rin kahit sa Divisoria.  Maganda ang Divisoria  kung ang bibilhin mo ay mga gamit na hindi maselan. Sa karanasan namin, kapag bumibili kami roon ng mga pantalon o polo, hindi mo puwedeng maisukat.  Wala sila roong lugar kung saan puwede kang  maghubad at sumubok sa mga bibilhin mong damit.  Kaya basta bibilhin mo na lang nang hindi naisusukat.  Pagdating mo ng bahay, magugulat ka na lamang kapag napagtanto mong mali pala ang sukat ng binili mo.

Ang ‘large’ sa Divisoria ay minsan hindi naman pala talagang ‘large’.  Kaya masasayang lang ang  binili mo.

Pumunta kayo sa mga mall kung ang bibilhin ninyo ay talagang panga­ngailangan at maselan na bagay.  Iyon ay ang mga gamit na dapat ay hustong-husto sa sukat. Subalit kung hindi naman maselan tulad ng mga panyo, mga t-shirt lang, o mga gamit sa bahay, okay na sa Divisoria. Ang bibilhin mo sa mga mall ay iyong talagang husto sa sukat.

Ang hamon ko sa inyo ay dapat maging kontento tayo. Huwag tayong bili nang bili.

Tandaan: Sa kaka­singko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isanglibo.”

Comments are closed.