AYON sa mga bagong datos, tumataas na naman ang positivity rate sa bansa, kabilang na siyempre dito sa National Capital Region. Pati na ang hospital occupancy ay tumaas din. Ito ay sanhi ng isang bagong variant na mabilis kumalat. Isa rin sa mga nakikitang dahilan ng mas mabilis na pagkalat ay dahil mas maluwag na ngayon ang mga alituntunin patungkol sa pagkalat ng sakit na COVID-19.
Halimbawa, hindi na mandatory ang pasusuot ng face mask. Mas malaya na rin ang taong magbiyahe, at bukas na ang ating bansa sa mga bisita mula sa ibayong dagat. Matagal na rin ang huling bakuna ng karamihan sa atin kaya siyempre ay bumababa na ang ating immunity na dala ng bakuna. At dahil parang normal na ang kalagayan ay nagiging kampante ang marami.
Habang wala pang opisyal na utos ang IATF at DOH, maaari tayong magkusa na kumilos upang masugpo ito habang kaya pang sugpuin. Puwede naman tayong mag-ingat o magpatupad ng sariling alituntunin upang makaiwas sa sakit. May ilang mga institusyon ang nagsimula nang gumawa ng hakbang para protektahan ang kanilang nasasakupan. Halimbawa, may ilang paaralan na unti-unting bumabalik sa mga online classes. Magandang ideya ito: ang gawin ang mga pulong at pagkikita online hangga’t maaari. Kung hindi naman maiiwasan ang face-to-face meetups, magsuot ng face masks sa lahat ng oras. Alam naman natin ang mga dapat gawin dahil nanggaling na tayo sa ganitong sitwasyon: social distancing, maghugas ng kamay, at magbukas ng mga bintana upang malinis ang hangin.
Palakasin ang katawan upang tumaas ang resistensiya at maging matibay sa sakit. Ibayong ingat po sa lahat.