MAG-INGAT VS SEVERE TROPICAL STORM AGHON

SADYANG umiiral ang climate change.

Nang mamatan noong isang linggo ang cloud cluster sa Silangang Mindanao, tinaya itong magiging low pressure area at mabubuo bilang mahinang bagyo at agad ding lilisan.

Ngunit dahil walang nakaaalam sa eksaktong magaganap kapag kalikasan, nasa ikatlong araw na itong nananalasa sa halos buong bansa.

Kahapon, itinaas ang Tropical Cylone Warning Signal Number 1 sa Metro Manila habang umigting pa ito at naging TCWS #1 sa silangang bahagi ng Quezon.

Ang nais naming ipunto rito ay walang katiyakan kapag kalikasan.

Kaya dapat mabilis ang disposisyon ng sangkatauhan para sa kaligtasan.

Ang pamahalaan, noong isang linggo pa nagpaalala na may banta ng La Nina batay sa mga scientific explanation na kapag dumalaw ang El Nino, malamang ang kasunod ay La Nina.

Sa latest monitoring ng pamahalaan, marami nang naapektuhan ang STS Aghon gaya ng malawak na baha sa Eastern Visayas at pagkabuwal ng mga puno sa Kabikulan.

Sa ibang bahagi ng Metro Manila minsan lang sumilip ang araw.

Panalangin natin, sana ay walang gaanong pinsala si ‘Aghon’ at maging ligtas ang lahat.