ANG WORLD Bank Group ay naglabas ng ulat na ang Filipinas ngayon ang nangunguna kung nais mamuhunan o mag-invest ang mga dayuhan sa kanilang negosyo. Ayon sa ulat, nagsagawa sila ng survey sa mahigit 21,000 katao sa mahigit 80 bansa. Isinama sa survey kung alin ang magandang bansa upang mamuhunan at manirahan base sa kalidad ng buhay, impluwensiya ng kultura, polisiya sa pamumuhunan, estado ng ekonomiya ng bansa, paghikayat sa maayos na buwis, galing ng mga manggagawa sa labor at teknolohiya at estado ng korupsiyon sa nasabing bansa.
Base rito, gumawa ng isang pag-aaral ang U.S. News upang kunin ang opinyon ng mahigit na 6,000 top executives sa buong mundo na nagbibigay desisyon sa kanilang negosyo. Lumalabas na ang Filipinas ang pinakamagandang bansa upang mag-invest sa mga susunod na taon.
Ito, marahil, ay dahil sa estilo ng pamamahala ni Pangulong Duterte at ang kanyang kampanya laban sa illegal drugs, krimen at korupsiyon. Bukod dito ay ang mga sunod-sunod na malalaking proyektong pang-imprastraktura na itinatayo sa ilalim ng kanyang programang ‘Build, Build, Build’.
Nakatutok ngayon ang ating gobyerno sa pagtatayo ng karagdagang mga riles ng tren, hindi lamang sa Metro Manila, kundi pati na rin sa Visayas at Mindanao.
Dagdag pa rito ang mga pagkukumpuni sa ating mga paliparan at daungan ng mga barko. Nandiyan din ang planong paggawa ng mga subway sa Metro Manila at karagdagang mga tulay upang maibsan ang trapiko.
Ultimong lider ng Sri Lanka na kabibisita lang sa ating bayan ay mataas ang pagpuri sa kampanya natin laban sa droga. Ganoon din ang presidente ng Indonesia na si Widodo na bilib sa isinasagawa ni Duterte konta ilegal na droga.
Sa 20 bansa na kanilang naitalaga bilang pinakamagandang bansa upang mamuhunan ng malaking negosyo, anim ang nagmumula sa Asya, walo sa Europa, tatlo sa Latin America, dalawa sa Middleast at ang Australia.
Pinagbasehan ang pag-aaral na ito sa dami ng populasyon ng nasabing bansa, ang kanilang gross domestic product o GDP at ang growth percentage nito noong taong 2016.
Ang GDP ay isang uri ng sukatan ng pananalapi batay sa halaga ng mga merkado ng produksiyon at serbisyo sa pangangalakal ng isang bansa. Ang GDP ay ginagamit upang masukat ang pag-angat o pagbagsak ng ekonomiya ng isang bansa o rehiyon sa mundo. Ginagamit din ang GDP upang ihambing ito sa mga kaganapang ekonomiya sa ibang bansa.
Batay sa pag-aaral ng U.S. News, ang Filipinas na nangunguna sa listahan ay may populasyon na 103.3 million at may GDP ng $304.9 billion. Ang GDP growth natin ay napakaganda. 6.9%. Isasama ko lang ang mga bansa sa Asya sa listahan upang maihambing natin ang ating ekonomiya sa mga kasama natin sa rehiyon. Ang Indonesia ay nasa 2nd place.
May populasyon na 261.1 million at may GDP na mas mataas na $932.3 billion subalit 5% lamang ang kanilang GDP growth. Ang Malaysia na may populasyon na 31.2 million ay ika-4 at may GDP na $296.4 billion at may GDP growth na 4.2%.
Ika-5 ang Singapore na ang populasyon ay 5.6 million, may GDP na $297.0 billion at may GDP growth ng 2% lamang.
Pangwalo ang Thailand na may populasyon na 68.9 million, may GDP na $406.8 billion at may GDP growth na 3.2%. Pangsiyam sa listahan ang India na may napakalaking populasyon na 1.3 billion, may GDP na $2.3 trillion at may GDP growth ng 7.1%.
Inuulit ko, bagama’t ang iba sa listahan ng mga bansa sa Asya ay mas mataas ang GDP at GDP growth, pinagbatayan ito sa kalidad ng buhay, im-pluwensiya ng kultura, polisiya sa pamumuhunan, estado ng ekonomiya ng bansa, paghikayat sa maayos na buwis, galing ng mga manggagawa sa labor at teknolohiya at estado ng korupsiyon sa bansa. Dito umangat ang Filipinas.
Marahil ang ulat na ito ay sampal sa mga oposisyon at ibang mga international organization na bumabatikos sa pamaha-laan ni Duterte.
Comments are closed.