MAG-MOVE ON NA TAYO SA NAIA 3 BROWNOUT

Tulad ng mga tinatawag na ‘pick-up lines’. Ang insidente ng kawalan ng koryente sa NAIA 3 noong ika-1 ng Mayo ay dapat hindi magmistulang parang puno o halaman. Dapat ay ‘maka move on’ na tayo.

Ang ibig kong sabihin dito ay nangyari na ang nangyari. Alam na ang dahilan o sanhi ng pagka-brownout sa nasabing paliparan noong Lunes. Ang dapat atupagin ngayon ay kung paano hindi na mauulit muli ang nasabing insidente.

Matagal na ang usapang plano ng magsagawa ng masusing rehabilitasyon ang NAIA. Sa katunayan, ilang beses nang nais pumasok ang pribadong sektor. Nagpanukala sila ng ‘long term lease’ sa pagpapatakbo ng NAIA, kasama na rito ang rehabilitasyon upang maaaring makipagsabayan sa mga ilang premyadong paliparan sa buong mundo. Subalit hanggang ngayon, tila inilista lamang ito bilang isang ‘pangarap’. Tsk tsk tsk.

Ang insidente noong ika-1 ng Mayo ay naging tampok na balita, hindi lamang sa atin, kundi pati na rin sa ibang bansa. Malaking dagok sa imahe ng ating turismo at ekonomiya ng ating bansa. Subalit tulad ng sinabi ko, MOVE ON na tayo.

Inamin ni Transportation Secretary Jaime Bautista na malaki ang problema sa electrical system ng NAIA. Matatandaan na nagkaroon din ng aberya noong ika-2 ng Enero nang masira ang ‘air traffic system’ ng nasabing paliparan. Mahigit 78,000 na pasahero ang naapektuhan sa nasabing aberya.

Kaya naman nangako si Sec. Bautista na magsasagawa sila ng full electrical audit of NAIA Terminal 1,2 at 3. “It’s about time na ayusin natin ito. Of course, kakailanganin natin ng medyo malaking budget para rito. Kailangan din natin ng more time, considering dadaan tayo doon sa regular government procurement law. Medyo malaki-laking trabaho itong rehabilitation ng Terminal 3,” ang paliwanag ni Bautista

Ang nasabing electrical audit ay makakatulong umano upang makapagsagawa sila ng maayos na pag-plano sa modernisasyon at upgrade ng buong NAIA na tila napabayaan sa mga nakalipas na panahon.

Kaya naman isang napakagandang balita nang ianunsiyo ni Sec. Bautista na nagkusang loob ang kilalang negosyante na si Manny Pangilinan ng MVP Group of Companies na mag -alok ng libreng electrical audit sa NAIA.

Alam naman natin na isa sa mga matagumpay na korporasyon na nasa ilalim ng MVP Group ay ang MERALCO.

“Ang magandang balita, ang grupo ni Mr. Manny Pangilinan ay nag-o-offer ng libreng electrical audit. Kausap ko sila. Siguro sa Monday, magkakaroon na kami ng first meeting,” ang dagdag na anunsiyo ni Bautista.

Bagamat hindi pa binabanggit na MERALCO ang maaaring magsagawa ng nasabing electrical audit ng NAIA 3, tila ito na ang malamang na kompanya sa ilalim ng MVP Group na magsasagawa nito. Alam naman natin na sila ang talagang eksperto na maaaring magsagawa nito. Nakataya ang kanilang reputasyon dito. Kaya naman tila makakaasa tayo na wasto at tunay ang ibibigay nilang ulat kapag nagsagawa nila ng electrical audit ng NAIA 3.

Inaasahan na lalabas sa electrical audit ang mga kailangang ayusin, palitan na mga gamit at koneksyon upang makapagplano nang husto ang gobyerno sa nasabing rehabilitasyon ng NAIA. Matatandaan na ang mga tauhan ng MERALCO ang isa sa mga unang dumating upang tingnan at magawan ng paraan upang mabilis na maibalik ang koryente sa NAIA 3.

Napakagandang balita ito. Nakikita natin na taos pusong pag alok ng tulong mula sa pribadong sektor sa ating gobyerno. Inuulit ko lang, libre ito. Kaya naman tila maganda ang simulain na makapag MOVE ON na tayo sa isyung ito.