CAVITE -NAPAAGA ang salubong ni kamatayan sa mag-ina makaraang makulong sa nasusunog na ikalawang palapag ng Genstar Wet and Dry Market sa Barangay Manggahan, General Trias City sa lalawigan ito nitong Lunes ng hapon.
Hindi na naisalba ang buhay ng mag-inang biktima na sina Rohayni Lumodag y Alawi, 31-anyos at Roadina Abdullah y Lumodag, 1-anyos, kapwa tubong Lanao Del Sur at nakatira sa Metropolis Subd. sa nasabing barangay.
Sa panayam ng Pilipino Mirror kay Senior Inspector L. Tio ng Bureau of Fire Protection (BFP) General Trias City, nagsimula ang apoy bandang alas-5 ng hapon sa bahagi ng bodega sa ikalawang palapag ng wet and dry market kung saan nagpapahinga ang mag-ina.
Nilamon ng apoy ang 300 metro kudradong bodega na kinalalagyan ng iba’t ibang uri ng paninda partikukar na ang mga styrofoam, aluminum na kaldero, kumot, tela, home appliances at iba pa.
Kaagad naman rumesponde ang mga pamatay-sunog mula sa iba’t ibang lugar kaya mabilis na naapula ang apoy bandang alas-7 ng gabi kung saan hindi naman nadamay sa sunog ang iba pang tindahan sa loob ng nasabing palengke.
Kasalukuyang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga tauhan ng BFP na ayon sa mga ito ay aabot sa P600K ang ari-ariang napinsala habang sinisilip naman ang pinagmulan ng sunog na sinasabing faulty wiring connection kung saan malapit ang mga styrofoam sa nasabing bodega.
MARIO BASCO