MAY panibagong milestone na naman ang Philippine Airlines (PAL), ang kanilang bagong eroplano—ang Airbus A350-900 na dumating noong Linggo, Hulyo 15, 2018. Isa na naman itong panibagong tagumpay na ang layunin ay ma-“reclaim” ang status bilang isa sa world’s best carriers.
Sa ginawang demo flight ng Airbus A350 nitong nagdaang Miyerkoles, nagkaroon ako ng pagkakataong makasakay. Maulan man sa Manila ay itinuloy pa rin ang Demo Flight. Pagpasok mo pa lang sa eroplano, sasalubungin na ang iyong mga mata ng kagandahan nito. Bagong-bago rin ang amoy nito. Mayroon itong three-class configuration—ang business class, premium economy at ang regular economy.
Maluwag ang nasabing aircraft. Kahit na ang kanilang regular economy ay may sapat na espasyo upang makagalaw ka ng maayos at maging komportable habang bumibiyahe.
Ang business cabin ay nag-o-offer ng 30 seats. Maluwag ang upuan at puwedeng i-recline to a fully flat position. Kung inaantok ka naman at gusto mong mahiga, puwedeng-puwede mong i-recline ang upuan. Hindi ka naman mababagot dahil mayroon kang mapapanood na mga palabas na gusto mo. At kung medyo nananakit naman ang likod mo, may pipindutin ka lang sa inuupuan mo’t ima-massage na ng u-puan ang likod mo.
Hindi lang din naman ang business cabin ang mayroong screen na mapanonooran kundi maging ang premium at regular economy.
May kabuuang 295 seats ang A350.
Mula Manila ay nagtungo kami sa General Santos. Sinalubong kami ng init ng panahon sa General Santos. Saglit lang kaming nanatili sa lugar at lumipad na ulit kami patungo namang Clark. Inabutan naman namin sa Clark ang maulang paligid. Kaunting kuwentuhan at ilan pang ikot sa eroplano bago ulit kami lumipad pabalik ng General Santos. Bumaba kami para magkuhaan ng litrato at para na rin malanghap ang hangin ng lugar at madampian ng init nito.
At matapos ito, lumipad na ulit kami patungong Maynila.
Sa kalagitnaan ng biyahe namin, nag-demo rin ang piloto at mga crew kung ano ang nararapat gawin sakaling magkaaberya ang nasabing eroplano. Sa ginawang demo, kitang-kita ang kahandaan ng mga crew—kung paano ka-kausapin ang mga pasahero, kung ano ang kailangang gawin kapag nagkaaberya at kinailangang mag-emergency landing. Gayundin kung ano ang gagawin ng crews sakaling nag-emergency landing at paano tutulungan ang mga pasahero at itse-check.
Ang A350, ay ang world’s generation airliner na nagpi-feature ng most modern aero-dynamic design, carbon fiber fuselage at wings. At dahil sa Trent XWB engines, ito ay makapag-o-operate ng 25 percent less fuel burn and emissions.
At dahil nakatakda itong bumiyahe ng malayuan, mayroong crew deck ang eroplano.
Komportable ang pananatili ko ng 12 hours sa eroplano. Mababait ang crew at maasikaso. Hindi rin nawawala ang masarap na pagkain at higit sa lahat, parang nasa sarili kang bahay at nagpapahinga habang bumibiyahe sakay ng Airbus A350. CHE SARIGUMBA
Comments are closed.