MAG-UTOL ARESTADO SA P10.2-M DROGA

KULUNGAN ang binagsakan ng magkapatid na itinuturing na High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng mahigit P10 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation sa Malabon City, Biyernes ng madaling araw, Mayo 31.

Kinilala ni Malabon Police chief Col. Jay Baybayan ang mga naarestong mga suspek na sina alyas Ian, 32-anyos at alyas Shawn, 25-anyos, kapwa residente ng A. Bonifacio St., Brgy. Flores.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Baybayan na nakatanggap ng impormasyon ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y ilegal drug activities ng magkapatid kaya isinailalim nila ang mga ito sa validation.

Matapos makumpirma na positibo ang report, ikinasa ng SDEU ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek dakong alas-12:30 ng hatinggabi sa Cayco St., Brgy., Flores.

Ayon kay MSg Kenneth Geronimo, nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 1,510 gramo ng shabu na may standard drug price value na P10,268,000.00 at buy bust money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale) in relation to Section 26 (Conspiracy) and Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) under Article II of R.A. 9165. EVELYN GARCIA